by Dada Aguilar on Friday, January 13, 2012 at 8:46am
Dumagundong ang mga yabagNagmamadali, Malakas
Palakas ng Palakas, naghahalong
Tunog ng bota't duguang truncheon
Hambalos sa kung saan-saan
Sipa, Hablot sa mga katawan
ng mga residente ng San Juan
Hatid ng berdugong kapupulisan
Mura, Tulak, Posas, Putok ng Baril
ang itinarak sa mga taong
maya-maya'y wawasakin ang kanilang tahanan
ng mga dapat sana'y magsilbi sa kanila
Daming mga batang humihikbi,
Daming mga bibig na sumisigaw
"Wag nyo kaming saktan,yurakan
Di kami mga hayup, kami ay may karapatan"
Kumalat sa daan ang mga pusong
naghihinagpis, winasak ng karahasan
Bali ang kamay,
Putok ang ulo't
May mga sugatan galing sa baril ng berdugo.
Subalit di nagpahuli ang inaapi
Di nagpa-agos sa karahasan
Tumindig, sila'y nagbigkis at
Hinarap ang hamon ng hagupit ng kaaway.
Sumiklab ang Digmaan sa San Juan
Nagpakawala ng mga bote na animo'y granada
Inasinta sa kalaban ang tirador na tila M16
Umatake,Marubdob na dumadaluyong ang
palabang diwa ng inaapi't pinagsasamantalahan.
Di mapipigilan ang pagtatanggol ng mamamayan
sa kanilang sarili,pamilya at mga kababayan
Kahit anong gawin ng mga ganid
Ang pakikipagdigma ay di mapapatid
Hanggang iwawagayway ng taumbayan
ang bandilang pula,tanda ng paghihimagsik
at sabay-sabay na itatayo ang bahay
na kang nakalipas na araw ay winasak ng kaaway.